-- Advertisements --

Hindi pa masabi sa ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung kailan maibabalik ang linya ng komunikasyon sa mga probinsyang hinagupit ng Bagyong Odette.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DICT acting Secretary Manny Caintic, bagsak ang linya ng komunikasyon sa Siargao, Surigao, at Dinagat Islands dahil sa pananalasa ng bagyo kamakailan.

Kasunod ng kanilang pagbisita sa mga probinsyang ito, sinabi ni Caintic na magpapadala sila ng mga tao at kagamitan para ayusin na sa lalong madaling panahon ang mga nasirang tore.

“Sinusubukan matapos ngayong buwan, yung pinakamabilis. Ang una nating inaayos muna yung power, ma-clear muna ang mga natumbang poste ng power. Hanggang hindi yan maayos, hindi rin makakakuha ng kuryente,” ani Caintic.

Gayunman, sa ngayon ay patuloy silang magbibigay ng linya para sa emergency communications ng mga residente sa mga apektadong lugar sa bansa.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan sa pagtulong sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.