-- Advertisements --

ILOILO CITY – Labis na ikinatuwa ng mga pasahero ang pagbabalik-biyahe ng mga motorbanca na may rutang Iloilo- Guimaras vice-versa.

Ito’y matapos na nagpalabas ng memorandum si Maritime Industry Authority Regional Director Jose Venancio Vero kaugnay sa pagbawi ng Suspension of Authority to Operate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Rudy Golez ng Avila Buenavista Guimaras, na pinakaunang pasahero na bumaba sa motorbanca mula sa Buenavista Wharf sa Guimaras at dumaong sa Ferry terminal sa Parola, Iloilo City, sinabi nito na walang naging problema sa kanilang paglalayag.

Ayon pa sa dating Presidential Assistant noong panahon ni dating Presidente Carlos Romulo, malaking ginhawa para sa kanila na hindi na nila kailangang bumiyahe papunta sa Roro Wharf sa Hoskyn, Jordan, Guimaras, upang pumila ng ilang oras bago makasakay sa fast craft o Ro-Ro vessel.

Sinabi ni Golez na maibabalik na rin sa normal ang buhay ng mga mamamayan ng Guimaras lalo na ang mga tripulante at operators ng motorbanca na sa paglalayag lamang umaasa ng ikinabubuhay.