Ipinaliwanag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na indikasyon ng pagbuti ng ekonomiya ng bansa ang pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na walang trabaho.
Ibinase ito ng kalihim mula sa datos ng Philippine Statistics Authority na bumaba ang bilang ng Pilipinong walang trbaho sa 228,000 o mula sa 2.378 million noong Enero 2023 sa 2.150 million noong Enero 2024.
Saad pa ng kalihim na ang kasalukuyang unemployment rate sa bansa ay pasok sa 4%-5% na target sa ilalim ng PH Development Plan 2023-2028.
Inilahad ng kalihim ang ilan sa mga dahilan ng pagbaba sa unemployment rate kumpara noong nakalipas na taon.
Aniya, nasa 37.44% ng kasalukuyang unemployed na mga Pinoy ay kabilang sa 15 -24 age group na bumalik na sa pag-aaral.
Tiniyak naman ng kalihim na gumagawa na ng mga hakbang ang DOLE para maipromote ang employment partikular na sa mga kabataan.
Hinikayat din nito ang mga naghahanap ng trabaho na magrehistro sa PhilJobnet ng DOLE o bisitahin lamang ang pinakamalapit na Public Employment Service Office (PESO).










