Target ng Department of Justice (DoJ) na mabuo na bukas ang task force na magre-review sa guidelines sa pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA) para sa mas maagang pagpapalaya ng mga inmates.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, dahil holiday naman ngayon, bukas ay ilalabas na niya ang department order na bubuo sa task force at isasama sa pag-review ng guidelines ang Board of Pardons and Parole at Bureau of Correcitons (BuCor).
Nais din niyang isama ang mga local government units (LGUs) dahil sila raw ang namamahala sa Bureu of Jail Management and Penology (BJMP).
Plano ni Guevarra na matapos ang pag-review sa loob lamang ng 10 araw para hindi raw maapektuhan ang mga bilanggong valid o karapatdapat namang mapagkalooban ng GCTA lalo na ang mga presong nagbago na sa loob ng kulungan.
Una rito, sinabi ng kalihim na plano nilang pansamantalang suspendehin ang pagproseso ng GCTA habang hindi pa nare-review ang BuCor guidelines.
Nag-ugat ang isyu sa nga lumutang na balitang pagpapalaya kay Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta.