Inihayag ni Bombo International News Correspondent Lyle Sabado sa Thailand na ikwinento ng isang guro sa childcare facility sa Nong Bua Lam Phu Province sa nasabing bansa kung paano siya nakaligtas sa nangyaring mass shooting na ikinamatay ng 38 katao kung saan karamihan ay mga bata.
Sinabi ni Sabado na base sa salaysay ng guro ay pagkababa ng suspek na dating pulis sa kanyang sasakyan ay agad siyang napaputok ng baril.
Ayon pa kay Sabado, matapos makita ng hindi na pinangalanang guro ang pagpapaputok ng baril ng suspek ay kumaripas na siya ng takbo at pumasok sa isang classroom kung saan mayroon ding isa pang kapwa niya guro at isinara agad nila ang mga bintana at pinto.
Dagdag ni Sabado na, sinabi pa ng nakaligtas na guro na mayroong pang batang natutulog sa oras na iyon na pinagbabaril ng suspek.
Hinggil dito, sinabi ni Sabado na base sa nakuha niyang impormasyon ay hindi lang basta gumagamit ng illegal na droga ang suspek kundi inaakusahan pang may kinalaman sa drug trafficking sa nasabing bansa.
Una rito, matapos ang pagatake ng suspek sa nasabing pasilidad ay umuwi at pinatay ang kanyang pamilya bago nagpakamatay sa pamamagitang ng pagbaril sa kanyang sarili.