-- Advertisements --

Nangako ang liderato ng Kamara na patuloy suportahan ang pagsisikap ng pamahalan sa paglaban kontra COVID-19.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, nakatakda nilang aprubahan sa ikalawang pagbasa at ikatlong pagbasa sa kaparehong araw sa darating na Lunes ang panukalang batas na naglalaan ng indemnity fund para sa mga indibidwal na makakaranas ng adverse effects matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.

Ito ay matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang House Bill No. 8648, na inihain mismo ni Speaker Velasco.

Sa ilalim ng panukala, pabibilisin ang procurement at administration ng mga local government units ng COVID-19 vaccines sa pamamagitan nang pagpahintulot sa kanila na direktang makabili ng naturang mga bakuna sa mga gumagawa ng mga ito mismo.

Nakasaad din sa panukala na itataas ang limit sa advance payments ng LGUs sa mga COVID-19 vaccine manufacturers.

Bukod dito, sinabi ni Velasco na nakahanda rin ang Kamara na aprubahan ang Bayanihan 3, na nagpapanukala ng P420-billion na pondo para sa implementasyon ng kinakailangan na COVID-19 response at recovery interventions.