-- Advertisements --

Ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer at state witness na si Henry Alcantara na aabot sa P800 million ang pinakamalaking halaga na inihatid niya sa staff ni dating Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co.

Ginawa ni Alcantara ang pahayag sa kaniyang pagharap sa Sandiganbayan Third Division sa isinagawang bail hearing nina dating Senador Ramon Revilla Jr. at kaniyang kapwa akusado sa kasong malversation.

Tinukoy ni Alcantara ang isa sa mga tauhan umano ni Revilla na pinagbigyan niya ng pera na si Paul Estrada.

Sinabi din ni Alcantara sa korte na nagsagawa siya ng ilang deliveries kay Estrada sa Lady Bug Street sa Valle Verde, kung saan napaulat na may property ang dating kongresista.

Ayon sa dating DPWH official, nagbigay umano siya ng 25% kickback mula sa tinatayang P6 billion hanggang P8 billion na pondo para sa kaniyang distrito sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) noong 2023.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang kasong graft at malversation laban kay Co sa Sandiganbayan kaugnay sa umano’y substandard project sa Naujan, Oriental Mindoro.