-- Advertisements --

Good news ang sasalubong sa mga jeepney drivers sa bansa dahil bago raw ang buwan ng Disyembre o sa susunod na linggo ay maipapamahagi na ang fuel subsidy ng mga drivers na naapektuhan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ang patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Regional Director Zona Russet Tamayo, nasa P7,200 ang matatanggap ng mahigit 136,000 na public utility jeepney (PUJ) drivers.

Aniya, sa P1 billion na budget para sa fuel subsidy, ang kalahati raw nito ay naibigay na mula nang magsimula ang kanilang pamamahagi noong nakaraang Miyerkules.

Kampante naman ang LTFRB na maipapamahagi nilang lahat ang subsidiya hanggang katapusan ng Nobyembre sa 136,230 na benepisaryo ng naturang programa.

Ang fuel subsidy program ay inilunsad kasabay ng ceremonial signing ng Joint Memorandum Circular (JMC) sa pangunguna ng Department of Transportation (DoTr) at LTFRB sa pagitan ng iba pang ahensiya kabilang na ang Department of Energy (DOE), Department of Budget and Management (DBM) at Land Bank of the Philippines (LBP).

Una rito, sinabi ni LTFRB chairperson Martin Delgra na naideposito na sa state-run Landbank ang P7,200 fuel subsidy sa aktibong 85,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards pero kailangan pa ng naturang bangko na makapag-produce ng 50,000 cards.

Ang P1 bilyong halaga ng fuel subsidy ay mula sa 2021 General Appropriations Act (GAA) na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Puwedeng gamitin ang fuel subsidy para ibayad sa ikakargang krudo mula sa mag gas stations na nakikiisa sa programa kabilang ang mga gas stations ng Petron, Shell, Seaoil, Total, Jetti, Rephil, Caltex, Petro Gazz at Unioil.