-- Advertisements --

Ipinanukala ng pamahalaan ang P7.2-trilyong pambansang pondo para sa 2027, mas mataas ng anim na porsiyento kumpara sa P6.793 trilyon ngayong taon, sa kabila ng pagbaba ng target sa paglago ng ekonomiya at inaasahang kita ng gobyerno.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), limitado ang fiscal space ng pamahalaan dahil sa awtomatikong gastusin tulad ng National Tax Allotment, pagbabayad ng utang, at iba pang obligadong paggasta.

Sinabi rin ng DBM na nakaapekto sa paghahanda ng budget ang umano’y anomalya sa mga flood control project, gayundin ang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, banta ng El Niño at climate change, na nakaapekto sa ekonomiya at kakayahan ng gobyerno na maabot ang mga target sa kita at paglago.

Dahil dito, ibinaba ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang target na paglago ng ekonomiya para ngayong taon sa 3.5% hanggang 4.5%, mula sa dating 5% hanggang 6%, matapos lumago ang ekonomiya ng bansa ng 2.8% lamang sa unang quarter, ang pinakamabagal sa nakalipas na limang taon.