Isinusulong ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes ang panukalang batas na maglalaan ng P50-billion na pangtulong sa lumalalang housing backlog sa Pilipinas.
Sa katatapos lamang na Habitat for Humanity Philippines Housing Summit, sinabi ni Robes na itutulak niya ang agarang pag-apruba sa isang consolidated bill na magbibigay ng development, production, at financing sa mga housing projects sa pamamagitan ng paglalaan ng P50 billion kada taon para sa pagtatayo ng mga pabahay sa buong bansa.
Sa isang statement, sinabi ng kongresista, na siyang chairman ng House committee on housing and urban development, na pinoproseso pa nila sa ngayon ang consolidated bill na tatawagin bilang National Housing Development and Production Fund.
Una rito, inaprubahan na rin ng Kamara ang House Resolution No. 1677, na nagdedeklara nang housing crisis sa Pilipinas.
Base sa tala ng pamahalaan, nangangailangan ng 6,796,910 units ng pabahan sa Pilipinas sa darating na 2022.
Maari aniyang lumaki pa ito at umabot ng 22 million pagsapit naman ng 2040 sa oras na walang gawin dito ang pamahalaan.