-- Advertisements --

Umaasa ang Department of Agriculture (DA) na mailalabas na sa lalong madaling panahon ang pondo para sa P5,000 financial assistance sa mga hog raisers na ipinangako ng pamahalaan para sa kada baboy na isasailalim sa culling dahil sa African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, nasa Department of Budget and Management (DBM) na ang P461 million na request nila para sa naturang financial assistance.

Nauna nang nakatanggap ng reklamo ang DA mula sa mga hog raisers na hindi pa nakakatanggap ng nautrang ayuda na ipinangako sa kanila ng pamahalaan.

Bukod sa financial assistance, nangako naman si Dar na patuloy na magmo-mobilize ng kanilang resources ang DA para matulungan ang mga local government units sa laban ng mga ito kontra ASF.

Kahapon, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dokumento na nagdedeklara nang nationwide state of calamity dahil sa ASF outbreak.

Dahil dito, binibigyan ng kalayaan ang mga LGUs na gamitin ang kanilang mga pondo, kabilang na ang limitado nilang quick response fund, para masawata ang ASF sa kanilang lugar.

Ang state of calamity, na nakasaad sa ilalim ng Presidential Proclamation 1143, ay tatagal hanggang sa katapusan ng taon maliban na lamang kung bawiin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.