
Ipinaliwanag ngayon ng Department of Education (DepEd) kung bakit kailangan nila ng mahigit P400 million na pondo para sa pagsasaayos sa mga paaralang binaha dahil na rin sa sama ng panahon.
Sinabi ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Michael Poa, hindi na raw kasi ligtas na gamitin ang naturang mga paaralan kaya kailangan na itong isaayos.
Sinabi ni Poa na ang estimated cost para sa repair at construction ng mga paaralang na-damage ng baha ay papalo sa P409 million.
Kabilang sa mga eskuwelahang na-damage ng bahay ay ang mga matatagpuan sa Zamboanga Peninsula, 30 na paaralan sa Northern Mindanao at 11 sa Caraga Region.
Ayon sa Department of Education-Disaster Risk Reduction and Management Office, ilan din umanong mga paaralan sa Misamis Occidental ang apektado ng masamang lagay ng panahon.
Ilang mga lamesa at mga upuan ang naiwang nakakalat sa putikan kasunod ng pagbaha na dulot ng malakas na pa-ulan na dahil sa shear line at low pressure area.
Tiniyak naman ni Poa na aalalayan ang mga paaralan sa pamamagitan ng disaster interventions.
Magtatayo naman daw ang Department of Education ng temporary learning spaces.
Kasabay nito, sinabi ni Poa na ang mga lugar na apektado ng nagdaang kalamidad ay pansamantala munang ihihinto ang in-person classes at gagamitin ang alternative delivery modes para sa mga learners.
Sa ngayon, nasa pitong paaralan na ang ginagamit na evacuation centers sa Siargao, Surigao del Norte at Oroquieta City.