Kinuwestyon ng ilang opisyal ng LGU- CDO at ilang watchdog group ang alkalde nito na si Mayor Klarex Uy dahil sa umano’y pagwawaldas ng pondo ng lokal na pamahalaan na aabot sa P330 million sa pamamagitan ng mga ginawang cash advances.
Sa isang press conference sa Cagayan de Oro City ibinunyag ni Teddy Sabuga-a, 9 na taong nagsilbi bilang dating City Administrator ng Cagayan de Oro na ang malawakang cash advances umano na ginawa ng alkalde mula 2022 hanggang Enero ng kasalukuyang taon.
Sinabi ni Sabuga-a na nakakabahala ang serye ng cash advance sa loob ng City Hall dahil nagpapakita ito ng maling paggamit ng pondo ng LGU, mahinang pamamalakad at paglabag sa procurement laws.
Ilan sa nadiskubre ay ilang indibidwal ang nakatanggap umano ng cash advances ng 20 beses, mayroon tseke na P20 Million at P26 million cash advances na isang araw lamang winithdraw at ang pondo kung saan sinasabing pinaglaanan ng disbursement ay pawang kuwestiyonable.
Alinsunod sa COA Circular No 97002 at Republic Act 9184(Procurement Law) ay ipinagbabawal ang palagiang paggamit ng cash advances at kailangan ang agaran nitong pag liquidate.
Umapela naman ang ilang opisyal ng LGU at ilang watchdog groups sa Commission on Audit(COA) na rebyuhin ang liquidation reports gayundin ang pagsusulong ng kasong administratibo at kriminal laban sa alkalde.
Kaugnay nito ay kinumpirma ng grupo na inihahanda na ang reklamo laban kay Uy sa Office of the Ombudsman.
Sinisikap naman ng Bombo Radyo Philippines na makuha ang reaksyon ni Uy sa naturang isyu.