KALIBO, Aklan – Kinumpiska ang nasa 20 kahon ng processed pork meat na nasabat sa quarantine checkpoint ng Task Force Anti-Swine Fever sa Caticlan jetty port sa Aklan.
Ayon kay Dr. Mabel Siñel ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET)-Aklan, sakay ng isang truck mula sa Maynila ang kahon-kahong processed meat products na pork belly, pork sausage, barbeque at iba pang karneng baboy na dadalhin sana sa lalawigan ng Capiz.
Umaabot aniya sa 500 kilos ang timbang ng nasabing mga produkto na nagkakahalaga ng nasa P300,000.
Sinasabing pawang mga Chinese product ang nakumpiska.
Walang kaukulang mga papel o dokumento tulad ng meat safety inspection certificate ang mga produkto kaya agad kinumpiska at sinunog.
Mahigpit ang pag-monitor ngayon ng mga awtoridad sa Aklan sa mga produktong baboy dahil sa mga naitalang kaso ng African Swine Fever sa Luzon at Mindanao.
Naghihigpit na rin sa pagpapasok ng baboy sa Aklan matapos ipag-utos ni Gov. Florencio Miraflores ang total ban sa mga buhay na baboy at karne galing sa lugar na may kaso ng ASF.
Sinabi pa ni Dr. Siñel na ang Western at Central Visayas na lamang ang nananatiling ASF free sa buong bansa.
Napag alaman na simula pa noong nakaraang taon ay umaabot na sa mahigit sa anim na toneladang illegal pork products ang nakumpiska ng OPVET.










