-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Isinusulong ng ilang transport groups na magkaroon ng P3 na dagdag singil sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan dahil sa magkakasunod na oil price hike sa bansa kamakailan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ramon Dealca, chairman ng Sorsogon Integrated Transport Federation, ngayong Linggo ay mag-uusap na ang mga Presidente ng transport groups para sa kanilang apela sa LTFRB.

Halos walong linggo na rin kasing iniinda ng mga tsuper ang magkakasunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kung saan nitong mga huling linggo lang ng umabot na mahigit isang piso ang dagdag na singil sa bawat litro ng krudo.

Umaasa ang transport group na diringgin ng LTFRB ang hiling na dagdag-singil pasahe upang makabawi na umano sa pagkalugi lalo na ngayong may pandemya.

Nabatid na sa darating na Martes nakatakda na naman na magpatupad ang mga oil companies ng P1.90 hanggang P2 na dagdag singil sa bawat litro ng gasolina, P1.50 sa diesel at P1.40 naman sa kerosene.