-- Advertisements --

Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang babae kasunod ng isinagawang buybust operation ng mga sakop ng Philippine Drug Enforcement Agency-7 nitong Martes, Pebrero 21, sa Brgy. Kamputhaw nitong lungsod ng Cebu kung saan nasabat ang bulto-bultong pakete ng shabu.

Kinilala ang naaresto na si Marieden Barbecho, 40 anyos at residente sa bayan ng Aloguinsan ngunit kasalukuyang naninirahan nitong lungsod.

Nakumpiska mula sa posisyon ni Barbecho ang hindi bababa sa 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.4 million pesos.

Ayon pa sa mga otoridad, matagal na umanong isinailalim sa surveillance ang suspek at dahil sa tulong ng mga impormasyon ay matagumpay na naisagawa ang operasyon.

Dagdag pa na “newly-identified” drug personality ang suspek at malaki din umano ang halaga ng drogang madidispose nito.

Posible ding malawak ang lugar kung saan ito makikipagtransaksyon hindi lang nitong lungsod kundi maging sa mga kalapit na highly-urbanized na mga lungsod.

Itinanggi naman ng suspek ang umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade at sinabing isa lamang umano siyang ‘purchaser’ para sa mga pangangailangan ng mga nasa loob ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center(CPDRC).

Dagdag pa nito na taong 2017 pa lang umano ay tumatanggap na siya ng pera mula sa mga kamag-anak ng mga preso sa pamamagitan ng mga remittance center para mabili ang mga pangunahing pangangailangan ng mga detainees.

Nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy kung sino ang mga nasa likod nito at kung kanino galing ang mga nasabat na droga.