-- Advertisements --
DTI LOGO

Muling isinumite ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panukalang humihiling ng P200 milyong pondo para sa pagtatatag ng Artificial Intelligence (AI) research center sa San Pedro, Laguna.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang pondo ng DTI at attached agencies nito para sa 2024, sinabi ni DTI Undersecretary Rafaelita Aldaba na magsisilbi itong center para sa mga data scientist, researchers, at engineers kung saan ang kanilang mga proyektong AI ay susuporta sa pangangailangan ng MSMEs, startups,
malalaking kompaniya at multinationals.

Magbibigay naman ang naturang center ng pagsasanay at capacity building sa AI na bagong mga produkto at serbisyo.

Layunin aniya nito na gawing AI center of excellence ang Pilipinas sa rehiyon sa hinaharap.

Sa ngayon, ayon kay Aldaba walang sapat na espasyo ang ahensiya para ma-cater ng buo ang mga aktibidad sa AI research at kailangan din aniya ng supercomputers at sahod para makapag-hire ng staff.

Dagdag pa nito na mayroon ng AI roadmap ang DTI at bumubuo na rin ito ng isang task force para bumalangkas ng isang framework na tutugon sa concerns may kinalaman sa AI.