Aminado ang incoming Agrarian Reform secretary Conrado Estrella III, na mahirap pang maisakatuparan sa ngayon ang P20 na presyo ng kada kilong bigas.
Sinabi ni Estrella na ito ay dahil na rin sa kasalukuyang sitwasyon ngayon ng bansa.
Isa sa mga binanggit ni Estrella na rason kaya mahirap itong maisakatuparan ay ang mataas na presyo ngayon ng fuel products maging ng mga fertilizers.
Pero ang pagpapababa raw ng presyo ng bigas ay posible naman daw at malaking bagay na kung ang presyo ay malapit sa P20.
Ang 20 daw kasi na presyo ng kada kilo ng bigas ay kailangan pa ng pag-aaral pero puwede ang P27 hanggang P28 na presyo ng kada kilo ng bigas.
Una rito, ipinanukala ni outgoing Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz ang consolidation ng rice production para mapababa sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Isa sa mga nakikita rin ni Cruz na solusyon para mapababa ang presyo ng bigas ay ang pagkakaroon ng mega farms sa pamamagitan ng pagtitipon sa production ng mga maliliit na sakahan.
Sinabi rin ni outgoing Agriculture Secretary William Dar na magiging malaking hamon ngayon sa susunod na administrasyon na matupad ang naging pangako noong kampanya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pero ang naturang hamon daw ay kailangang solusyunan para maibaba ang presyo ng bigas.










