-- Advertisements --
shabu gen trias cavite 1

Nasa 374 packs ng hinihinalaang shabu na may market value na P2.5 billion ang nakumpiska ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) kasama ang Cavite Police Station sa isinagawang buy bust operation bandang alas-8:30 kagabi sa Somerset 9 Subdivision, Brgy Navarro, Gen Trias, Cavite.

Arestado sa operasyon ang drug suspect na nakilalang si Muad Romorus Abedin Mangotara.

Agad namang pinapurihan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa ang panibagong tagumpay ng PDEG.

Bukod sa iligal na droga, nakuha sa posisyon ng suspek ang P1 milyong boodle money na may nakasingit na P2,000 na nagsilbing buy bust money.

Una nang inihayag ni Gamboa na hindi pa rin titigil at lalo pa nilang paiigtingin ang kampaniya kontra iligal na droga sa kabila na rin ng pagharap ng bansa sa pandemya ng COVID-19.

Una rito nasa P5.1 billion halaga ng shabu ang nasabat din ng PDEG sa operasyon sa Bulacan na itinuring na biggest haul ng PNP sa kanilang anti-illegal drug operations.