-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Ikinalungkot ng lokal na pamahalaan ng Malay ang muling pag-viral ng Boracay matapos kumalat ang isang Facebook post kung saan siningil ng mahigit P16,000 ang turistang babae na nagpatirintas ng kaniyang buhok.

Patuloy ngayon na umaani ng kaliwa’t kanang batikos ang nasabing post kung saan hayagan umano ang ‘overpricing’ sa hair braiding sa isla.

May mga netizen rin na nagkomento na maging sila ay nakaranas na masingil ng masyadong mataas na halaga.

Samantala, ipinasiguro naman ni Malay Sangguniang Bayan member Alan Palma Sr. na tatalakayin nila ito sa gagawing session ngayong araw.

Kailangan umanong masiyasat ng mabuti ang isyu para agad na maresolba at hindi na maulit pa.

Aniya, kakabukas pa lamang ng Boracay ngunit ito na agad ang nangyari.

Hindi umano naisip ng nasa likod nito ang magiging epekto sa industriya ng turismo.

Isa pa sa gustong gawin ni Palma ay gumawa ng ordinansa kung saan dapat lahat ng inaalok na serbisyo sa mga turista ay mayroong nakalagay na presyo.

Sa kabila nito, aminado ang opisyal na may iilan parin na hindi naglalagay ng presyo sa inaalok na sea sport activities, hair braiding at maging sa ilang restaurant.