-- Advertisements --
image 244

Posibleng madagdagan pa ang ipinapamahaging P15,000 na tulong pinansiyal para sa mga rice retailer na apektado ng price cap sa regular at well-milled rice.

Ito ang inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian matapos na makausap nito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan inatasan ng aniya ng Pangulo ang DSWD at Department of Trade and Industry (DTI) na suriin kung sapat ang tulong pinansiyal dahil kapag kulang aniya hindi magaatubili ang pamahalaan na dagdagan pa ito.

Ngayong araw nga ay sinimulan na ang pamamahagi ng cash assistance sa mga apektadong rice retailers sa tatlong lungsod sa Metro Manila kabilang dito ang Caloocan, Quezon city at San Juan city.

Layunin ng pamamahagi ng cash aid ng pamahalaan para maibsan ang pasaning pinansiyal ng maliliit na retailer na napilitang magbenta ng kanilang stocks na bigas sa mas mababang presyo dahil sa mandatong P41 kada kilo na price cap para sa regular milled rice at P45 kada kilo naman para sa well-milled rice.