Arestado ang dalawang drug suspek sa ikinasang follow-up operation ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group at Las Piñas City Police sa isang parking lot sa C-5 Road extension, Brgy. Manuyo.
Ang nasabing operasyon ay konektado umano sa natimbog na Chinese national kaninang madaling araw sa Makati City.
Huli sa buy-bust operation ang magkapatid na suspek na sina Joel Bustamante at Merwin Bustamante na kapwa taga-Malabon, matapos makumpiskahan ng 17 kilo ng hinihinalaang shabu.
Tinatayang may market value na P115-milyon ang nasabat na iligal na droga, na naka silid sa green tea packs, na kahalintulad sa mga nasabat na droga sa Chinese na si Liu Chao kagabi.
Ayon kay Southern Police District director police B/Gen. Nolasco Bathan, ang magkapatid na Bustamante ay drug courier ni Liu na itinuro bilang bodegero ng shabu.
Una ng nasabat ng PNP-DEG at Makati Police ang higit 400 kilos ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P2.7 billion mula sa naarestong Chinese national.










