Nababahala ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi sasapat ang 2021 allocation para sa Small Business Corporation (SBCorp) para sa micro financing.
Sa budget deliberation sa Kamara, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na ang SB Corp ay mayroon lamang P1.5 billion budget para sa susunod na taon.
Kulang aniya ito lalo pa at inaasahang tatagal pa ang COVID-19 pandemic, na higit na naka-apekto sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Nangngamba si Lopez na lalo pang lalaki ang demand para sa micro financing pagsapit ng 2021 kaya umaasa sila sa DTI na masuportahan at madagdagan ang pondo ng SB Corp.
Iginiit ni Aklan Rep. Ted Haresco na humigit kumulang P15 billiona ng ibigay aniya para sa SB Corp upang sa gayon ay matulungan makabangon ang mga MSMEs sa epekto ng pandemya.
Tiniyak naman ni Lopez na sa kabila ng mababang alokasyon ay walang mapagiiwanang sektor pagdating sa micro financing.
Sa kasalukuyan, first come first serve aniya ang kanilang sistema patungkol dito.
Ang DTI at attached agencies nito ay humihingi ng P20.162 billion, bahagyang mas mababa kung ikumpara sa P20.955 billion na alokasyon sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.