Nakumpleto na ang rehabilitasyon ng 2.8-kilometer runway sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga.
Ang nasabing runway ay magbibigay-daan upang ma-accommodate ang mas malaki at mas mabibigat na aircraft ng Philippine Air Force (PAF).
Pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. at United States Deputy Chief of Mission to the Philippines Robert Ewing ang dedication ceremony para sa pagkumpleto ng Basa Air Base runway.
Ang runway rehabilitation ay ang pinakamalaking proyekto sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) project sa pagitan ng Pilipinas at United States na umaabot sa mahigit P1.3 bilyon.
Pinondohan ito ng US Indo-Pacific Command.
Ayon kay PAF spokesperson Co. Ma Consuelo Castillo, pagkatapos ng wala pang isang taon, handang nang tumanggap ang runway ng mas malaki at mas mabibigat na sasakyang panghimpapawid, tulad ng mga cargo planes ng PAF.
Matatandaan na noong Setyembre, nagkasundo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang US Armed Forces na pabilisin ang pagkumpleto ng 63 EDCA projects na natukoy ngayong taon, bukod sa 32 proyektong nauna nang inilaan ng parehong militar.