Kinumpirma ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na siya ang nangangasiwa sa pagpapalabas, paggamit at liquidation ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) ni Vice President Sara Duterte.
Sa day 18 ng impeachment trial ni Duterte nitong Agosto 25, 2026, sinabi ni Ortonio na walang confidential fund ang OVP nang maupo siya sa puwesto noong Hulyo 2022, at wala rin umano nito sa panahon ni dating Vice President Leni Robredo.
Dahil dito, humiling ang OVP ng confidential funds sa Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng liham na may petsang Agosto 22, 2022. Ayon kay Ortonio, si Duterte ang nagtakda ng halagang hiningi.
Ipinakita ng prosekusyon na ang liham ay walang kalakip na computation o attachments. Ipinakita rin ang Physical and Financial Plan (PFP) na may petsang Setyembre 16, 2022—halos isang buwan matapos ang request sa DBM. Kinumpirma ni Ortonio na hindi dumaan sa kanyang tanggapan ang PFP.
Ayon kay Ortonio, ang confidential funds ay hiniling para sa ligtas na pagpapatupad ng mga aktibidad ng Good Governance Program at sa mga opisyal na engagement sa loob at labas ng bansa.
Itinuring namang “hostile witness” ng impeachment trial presiding officer si Ortonio matapos kuwestiyunin ng prosekusyon ang ilang bahagi ng kanyang mga pahayag.
Tinawag naman ng defense panel na “theories” at “sound bites” lamang ang mga inilahad ng prosekusyon tungkol sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Atty. Kristine Ferrer, ang 11 puntong binanggit ng prosekusyon ay mga konklusyon at haka-haka na hindi pa napapatunayan sa impeachment court.
Gayunman, sinabi ni Ferrer na sasailalim pa rin sa cross-examination ang testigo upang mapatunayan o mapasinungalingan ang mga alegasyon ng prosekusyon.










