-- Advertisements --

Ilang local government units na raw ang nakausap ng Office of the Vice President para sa programa nitong tutulong sa mga estudyante at gurong magbabalik eskwela kahit nasa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Vice President Leni Robredo lalakad sa tatlong phase ang inilunsad na “Bayanihan for Distance Learning” program ng kanyang tanggapan.

Nauna nang nanawagan ang OVP sa pamamagitan ng donasyon para sa mga luma o hindi na ginagamit na gadgets. Ang sumunod na phase na raw dito ay ang pagbuo ng instructional video ng lessons, at pagtatayo ng community hubs.

“Iyong donation drive ang volunteers hindi lang iyong nagbibigay pero pati iyong nag-aayos ng mga computers. So maraming mga computer technicians na nag-volunteer na mag-ayos. So partner natin sila.”

“Kausap natin iyong UP School of Education at saka iba’t ibang mga teachers, nakita natin na mas marami iyong kailangan, hindi lang iyong gadgets, pero kailangan ng tulong sa una, pag-alalay sa mga teachers at saka sa mga magulang kung papaano magta-transition dito sa distance learning.”

Patuloy daw ang koordinasyon ngayon ng OVP sa mga lokal na pamahalaan ng Pasig; Naga, Camarines Sur; Tanay, Rizal at ilan sa Negros Occidental, para sa itatayong community hub.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon daw ng accessible na lugar ang mga estudyante para makagamit ng computer sa pag-aaral.

“Iyong mga bata, pagpunta nila doon, puwede silang makigamit ng computer, puwede silang mag-download, puwedeng mag-print ng mga lessons. Kung may kahirapan sila sa particular subject, may tutorials doon. So iyon iyong inaasikaso natin ngayon, na mga community hubs na hindi magko-congregate iyong maraming bata, magse-schedule, etc.”

Iminungkahi ni VP Leni sa Department of Education na i-konsidera ang face-to-face classes sa mga lugar na wala namang kaso ng COVID-19.

“Halimbawa wala namang incidence doon. Nabasa ko, halimbawa, wala namang incidence, Batanes walang incidence. Madaling ma-contain kasi isla. Baka puwede naman na face-to-face iyong pag-aral doon. Kasi pinag-uusapan namin noong mga teachers, halimbawa, iyong mga tuturuan pa lang, iyong mga early primary na tuturuan pa lang magbasa, parang sobrang hirap kung online.”

“Mas maigi sana kung natutulungan ng teachers. Halimbawa iyong special education, na kailangan ng tulong, professional na tulong, sa speech therapy, kung paano gagawin. So sana pag-aralan na depende sa lugar iyong modality na gagawin, hindi lahat distance, kasi baka iyong mga lugar na hindi naman mataas iyong danger ng contamination, o wala namang contamination, baka puwede namang mag-face-to-face.”

Sa August 24 itinakda ng DepEd ang pagbabalik eskwela ng mga estudyante sa parehong private at public schools sa buong bansa.