
Sinimulan na ng Office of the Vice President (OVP) ang pamamahagi ng gadgets at iba pang gamit para sa mga estudyante at guro na inaasahang magbabalik klase sa Agosto.
Umaasa si VP Leni na sa pamamagitan ng mga natanggap nilang donasyon na ilang second-hand computer, laptops at iba pa ay mapapakinabangan ng mga mag-aaral at gurong kapos sa kailangang gamit sa ilalim ng “distance/blended learning” na ipatutupad ng pamahalaan.
“Sa ilalim ng donation drive na ito, na sinimulan ng ating #AngatBuhay partner na Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership, nakatanggap na tayo ng mga kagamitan tulad ng desktop computer, laptop, smartphone, tablet, TV, printer, powerbank, at pocket WiFi.”
Ayon kay Robredo, bukas pa rin ang donation drive ng kanyang tanggapan at mga partners para sa mga magnanais na magbigay ng tulong.

“Basta nasa mabuti pang kondisyon, ang bawat device, gadget, o equipment na hindi niyo na ginagamit ay makakapagpagaan ng dinadala ng ating mga mag-aaral, guro, at magulang, sa pagharap sa iba’t ibang paraan ng pagtuturo, ngayong nasa gitna tayo ng krisis.”
Kahit may ilang grupo ang tutol sa pagbubukas ng klase sa Agosto, sinabi ng Department of Education na tuloy pa rin ang balik-eskwela dahil handa naman ang education sector ng bansa.










