Kinondena ng Commission on Human Rights ang isang barangay ordinance sa Bangued, Abra na nagsusulong sa death penalty para sa ikatlong paglabag sa ilegal na pagtatapon ng basura.
Sa isang statement, sinabi ng CHR hindi isinasaalang-alang ng naturang ordinansa ang karapatang mabuhay na sinundan pa ng paglalagay ng tarpaulin na nagpapakita ng larawan ng baril na nagpapahiwatig ng execution o kamatayan bilang parusa.
Ayon sa komisyon, sa ilalim ng ordinansa papatawan ng multa na P1,000 ang mga violator sa unang paglabag, P1,000 at 8 oras na community service para sa ikalawang paglabag at babarilin sa ikatlong paglabag
Bunsod ng samu’t saring batikos sa ordinansa at tarpaulin, sinunspendi ang 6 na opisyal ng Barangay Calaba sa Bangued sa loob ng 90 araw.
Inihayag naman ng CHR na bagamat kinikilala nila ang kahalagahan ng maayos na pangangasiwa ng mga basura at ordinansa na magpapaayos sa disposal practices ng mga residente sa kanilang komunidad, hindi aniya masosolusyunan ng ganitong uti ng marahas na direktiba at parusa sa halip nagbubunga ito ng pagkalito, kaguluhan at distress sa kanilang nasasakupan.
Pinaalalahanan din ng CHR ang mga barangay official na dapat ang mga ordinansa sa kanilang lugar ay alinsunod sa national laws at iginagalang ang mahahalagang karapatang pantao.
Binigyang diin din ng CHR na ang death penalty ay ipinagbabawal sa ilalim ng Saligang Batas.