-- Advertisements --

Patuloy ang paalala ng Department of Health(DoH) sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura sa harap ng panunumbalik ng Polio virus.

Una rito, nangamba na rin ang mga residente ng Bulacan na makontamina ng Polio virus ang Wacuman sanitary landfill dahil sa iligal na operasyon nito.

Una na kasing napaulat na nakontamina ng Polio virus ang Davao river matapos magsagawa ng sampling at testing ang Davao City Health Office.

Ang kontaminasyon ng Polio virus sa Davao river ay posibleng nagmula sa dumi ng tao at sa basura.

Ayon kay Health Secretary Fracisco Duque III, dapat ding siguruhin ng mga lokal na pamahalaan na may kaukulang permiso ang mga sanitary landfill sa kanilang nasasakupan at matiyak na hindi naihahalo sa mga daluyan ng tubig ang katas ng mga basura na nagmula sa sanitay landfills.

Una nang ipinanawagan ng grupong Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) sa Senado at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang operasyon ng Wacuman Sanitary Landfill sa Bulacan dahil sa pagiging banta nito sa kalusugan lalo’t nanumbalik na naman ang Polio virus.

Nangangamba naman ang mga residente sa Norzagaray at San Jose Del Monte(SJDM), Bulacan na makontamina ang kanilang mga sapa at ilog ng katas na nagmumula sa Wacuman Sanitay Landfill lalo’t hindi ito sumunod sa Presidential Decree(PD) 1152 na nagbabawal sa mga landfills malapit sa streams at river banks.

Posible kasi aniya silang tamaan ng Polio virus lalo na ang nakatira malapit sa landfill at sa kahabaan ng mga daluyan ng tubig sa Bulaca.

Ikinadismaya kasi ni Brgy. Chairman Gloria Deguito-Cardona ng Brgy. Paradise II ng SJDM ang kawalan ng public consultation sa operasyon ng Wacuman.

Nabatid na ang Wacuman sanitary landfill ay malapit lamang sa mga daluyun ng tubig sa San Jose Del Monte na dumidiretso naman sa Angat reservoir na siyang pangunahing nag susuplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Sabi ni Duque, iligal na maituturing ang operasyon ng isang landfill na walang kaukulang permiso mula sa DENR.