Nasa Office of the Ombudsman na raw ang pagpapasya kung dapat ba o hindi suspendehin si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta.
Ito ang tugon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa kahilingan ng ilang PAO lawyers na suspendehin si Acosta dahil sa isyu ng katiwalian.
Sinabi ni Guevarra, sa pagkakaalam daw niya ay nakasampa na ang reklamo sa Ombudsman at nakapaghain na rin umano ng kontra salaysay si Acosta.
Dahil dito, sinabi ni Guevarra na mas maiging hintayin na lamang ang pasya ng Ombudman.
Una rito, pumalag si Acosta laban sa akusasyong sangkot ito sa korupsyon kasama ang ilang opisyal ng ahensiya.
Ayon kay Acosta, malinaw na panibagong kampanya na naman ito para sirain ang kanyang pangalan dahil sa mga kontrobersyal na kasong hawak nito gaya ng Dengvaxia.