-- Advertisements --

Nanguna ngayon si International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach sa pagpapasinaya ng Olympic Truce Murals sa Olympic Villages ng Olympic at Paralympic Winter Games sa Beijing, China tatlong araw bago ang pormal na opening ceremony.

Isang simpleng seremonyas din ang isinagawa sa Flag Mall ng Beijing Olympic Village kasabay ng selebrasyon ng Chinese New Year.

Kaugnay nito, inimbitahan ang mga atleta at opisyal na pumirma sa malaking mural kaugnay ng kanilang simbolo na mga pangako para sa kapayapaan sa pamamagitan ng sports.

Hiniling din naman ng ilang mga lider ng China na sana tuparin ng mga mamamayan at mga bansa ang naunang pinirmahang commitment sa ilalim ng United Nations (UN) Olympic Truce Resolution.

Ang naturang resolusyon na tinagurian ding Olympic Truce ay dapat igalang ng mga bansa sa buong mundo na pitong araw bago ang simula ng Olympic Winter Games, hanggang pitong araw matapos naman ang Paralympic Winter Games na magsasara sa March 13, 2022 ay dapat isantabi ang anumang mga giyera o awayan ng mga bansa sa pamamagitan ng ceasefire upang bigyang daan ang diwa ng Olimpiyada na pagkakaisa para sa lahat.

Ang tradisyon ng Olympic Truce o kaya ay “Ekecheiria” ay una pang sinimulan na 9th century BC kung saan noong panahon ng giyera ay itinitigil nila ito para sa ligtas na pagbiyahe at paglabas ng mga atleta sa ancient Olympic Games.