-- Advertisements --
image 17

Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na lumawak na sa anim na kilometro ang haba at apat na kilometro ang lapad ng oil spill sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro.

Ang slick ay matatagpuan malapit sa Balingawan Point sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ito’y matapos na kumpirmahin ng Philippine Coast Guard na tuluyan nang lumubog ang MT Princess Empress na tanker na tumaob noong Martes dahil sa engine trouble.

Nagdadala ang MT Princess Empress ng 800,000 litro ng industrial oil mula Bataan patungong Iloilo nang ito ay naanod patungo sa Balingawan Point dahil sa maalon na kondisyon ng dagat.

Sinabi ng coast guard na bubuo ito ng crisis management committee habang nagpapatuloy ang oil spill assessment at response operation.

Nauna nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na binabantayan din nila ang sitwasyon sa naturang karagatan.

Bukod sa BRP Melchora Aquino, sinabi ng Philippine Coast Guard na ipapakalat din nito ang BRP Habagat para magsilbing marine pollution platform upang antabayanan ang oil spill na maaari pang patuloy na lumawak.