-- Advertisements --

Umapela ang Malacañang sa mga Pilipinong naninirahan at nagtratrabaho sa Iran at Iraq na makiisa sa ipinatutupad na mandatory evacuation ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa ngayon ay nagkakaroon na ng “shooting war” sa lugar kung kaya mahalagang mailayo sa panganib ang mga Pilipino at maiwasang maipit sa nagbabadyang giyera.

Ayon kay Sec. Panelo, ito ang rason kung bakit agad na nagpadala ng naval ship ang pamahalaan sa Middle East para maisakay ang ililikas na mga Pilipino.

Inihayag ni Sec. Panelo na pansamantalang ilalagay ang mga ito sa mas ligtas na lugar gaya ng Saudi Arabia bago pauwiin pabalik ng bansa.

Binigyang-diin naman ng opisyal na hindi nila mapipilit ang mga kababayang gustong manatili sa mga lugar na mayroon tensyon dahil hindi raw puwedeng hilahin sila ito papasok sa barko.