Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi na itutuloy ang pagpapatupad ng odd-even scheme sa EDSA kasunod ng pagpapaliban ng rehabilitasyon.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, ang pagpapaliban ng scheme ay magbibigay daan sa mga ahensya upang muling suriin ang plano para mapagaan ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko sa panahon ng rehabilitasyon ng EDSA.
Dagdag pa niya, ang pagpapaliban ay magbibigay din ng panahon para maghanap ng iba pang solusyon upang mapagaan ang epekto ng rehabilitasyon sa mga motorista at mga mananakay.
Patuloy naman ang MMDA sa pagpapatupad ng umiiral na number coding scheme.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaliban ng EDSA rehabilitation upang magbigay ng sapat na oras para pag-aralan kung may mga bagong teknolohiya na makakatulong sa pagpapabilis ng rehabilitasyon ng 23.8-kilometrong kalsada.
Nakatakda sana itong magsimula sa Hunyo 13, 2025 at maaaring tumagal ng hanggang taong 2027.