Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na ang mga komunidad na apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon ay patuloy na makakatanggap ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.
Umabot na kasi sa 9, 876 pamilya o 38, 396 katao ang apektado ng nasabing pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Nasa Alert Level 3 pa rin ang bulkan na may mas mataas na tyansa sa mapanganib na pagsabog.
Ayon kay OCD administrator Ariel Nepomuceno, ang pambansang pamahalaan ay patuloy na nagsasagawa ng mga aktibidad sa response operations habang sinusubaybayan ang sitwasyon sa Bicol kaugnay ng aktibidad ng Mayon.
Ito ay upang matiyak na ang lahat ng kinakailangang tulong ay maibibigay sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ni Nepomuceno, na bumisita at nag-inspeksyon ang OCD sa mga bodega at evacuation center, nag-deploy ng mga asset para sa paghahatid ng kargamento at mga relief goods at nagbigay ng P25 milyong halaga ng food and non-food items (FNFIs) sa mga apektadong residente.
Binanggit din ni Nepomuceno na ang kabuuang halaga ng logistical support na ibinigay ng OCD sa tulong ng Department of Health ay umabot sa P67 milyon.
Una na rito, ang pinagsamang tulong na ibinigay ng iba’t ibang ahensya ay nasa P437 milyon na.