Naka-stand by na at handang tumulong ang Office of the Civil Defense sa response operation sa Japan matapos yanigin ng malakas na magnitude 7.6 na lindol sa mismong bagong taon.
Ginawa ng OCD ang pahayag matapos mag-alok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumulong sa Japan matapos ang lindol na kumitil na sa 48 katao at nagdulot ng tsunami sa rehiyon ng Ishikawa.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy nilang susubaybayan ang sitwasyon doon at gagawa ng mga kinakailangang pakikipagugnayan para sa posibleng suporta na maaari maipaabot.
Sinabi din ng opisyal na isang paalala rin sa atin ang tumamang malakas na lindol sa Japan na patuloy pang palakasin ang kahandaan ng ating bansa laban sa mga banta ng lindol at iba pang panganib sa pamamagitan ng whole-of-government at whole-of-nation approach.
Samantala, ipinaabot din ng opisyal ang pakikiramay ng gobyerno ng Pilipinas sa gobyerno ng Japan at sa mga mamamayan nito naapektuhan ng naturang lindol. (With reports from Everly Rico)