Inihahanda na para sa darating na Setyembre 20 hanggang 21, 2025, isang world-class pole vault tournament sa Ayala Triangle, Makati City.
Tampok dito ang pambato ng bansa na si Ernest John “EJ” Obiena, kasama ang ilan sa pinakamahusay na pole vaulters mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Emosyonal na inihayag ni Obiena ang katuparan ng kanyang pangarap na dalhin ang prestihiyosong paligsahan sa puso ng lungsod.
Una kasing inakala na ang countdown ni EJ sa kaniyang accounts ay para sa retirement, ngunit nilinaw nitong para iyon sa malaking kompetisyon na kaniyang pinaghahandaan.
Opisyal kasi ang labanang ito, na kinikilala ng World Athletics, Asian Athletics, at ng PATAFA.
Inaasahan ang posibilidad ng bagong world o national record.
Bagamat hindi pa ibinubunyag ang listahan ng mga kalahok, tiniyak ni Obiena na top-ranked international athletes ang inaanyayahan sa kaganapan, kasunod ng World Championships.
Si Obiena mismo ang sasabak sa paligsahan para sa Pilipinas.
Layunin niyang ma-inspire ang mga kabataang Pilipinong atleta upang mas lumawak pa ang interes sa pole vault sa bansa.