Walang sensitibong impormasyon ang na-leak mula sa Pilipinas.
Ito ang siniguro ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya matapos lumabas ang report na ibinenta ng isang US Army intelligence analyst sa China ang sensitibong impormasyon ng ilang mga bansa kabilang na ang mula sa Pilipinas.
Hindi naman nababahala aniya ang ahensiya dito dahil ang mga ginagawang military drills ng bansa ay routinary o regular activities.
Tinutukoy dito ni Malaya ang regular military exercise na ginagawa ng Pilipinas kasama ang kaalyadong bansa tulad ng US kung saan may taunang Balikatan exercises ang 2 bansa na layong mapalakas pa ang kakakayahan sa pagdepensa ng US at PH.
Samantala, sa parte naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ng tagapagsalita ng ahensiya na si Col. Francel Margareth Padilla na palaging alerto ang militar para maprotektahan ang integridad at katapatan ng kanilang personnel.
Sa kabila aniya ng pananatiling alerto ng AFP para sa anumang posibleng external influences, mayroon din aniyang nakatalagang units na nagsasagawa ng mabusising background investigation para matiyak na mananatiling committed ang mga ito sa kanilang tungkulin at sa pagsiguro sa seguridad ng ating bansa.