-- Advertisements --

cavitedrugs2

Arestado ang itinuturing na isang bigtime at notorious drug dealer sa isinagawang buy bust operation kagabi sa Moab St., Town and Country Homes Subd., Congressional Road, Dasmariñas City, Cavite, kung saan nakuhanan ito ng 10 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68 million.

Isinagawa ang drug buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEG, PDEA Region 4A, Cavite PPO, Dasmariñas City PNP at Customs Intelligence and Investigation Service ng BOC.

Kinilala ni PNP chief Gen. Debold Sinas, ang naarestong drug dealer na si Michael Lucas alias Boy Muslim, 35, miyembro ng isang kilabot na drug syndicate na nag-ooperate sa Gitnang Luzon, NCR at Mindanao.

Sinabi ni Sinas, batay sa report mahigit dalawang taon pa lamang ang suspek sa illegal drug transactions.

cavitedrugs1

Konektado din umano ang suspek sa isang Chinese drug lord na nakakulong sa NBP sa Muntinlupa City.

Dagdag pa ni Sinas, regular itong tumatanggap ng 10-15 kilos ng shabu na kaniyang supply at ito ang kaniyang ipinapasa sa iba pang drug distributors.

Ang pagkakaaresto sa suspek ay resulta umano ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Lucas.