-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Natagpuang wala nang buhay ang isang Nigerian national na positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) habang naka-quarantine sa Aklan Training Center sa Brgy. Old Buswang, Kalibo.

Ayon kay Liga ng mga Barangay President at Pook Punong Barangay Ronald Marte, dating nakatira sa isang apartment sa kanilang lugar ang nasabing turista ngunit noong Disyembre 15, 2020 ay lumipat na ito sa kanyang ipinagawang bahay sa bayan ng Numancia.

Una rito, nakaranas umano ng sintomas ng deadly virus ang pasyente dahilan upang i-confine ito sa Aklan Provincial Hospital subalit nang maka-recover ay agad itong inilipat sa quarantine facility.

Napag-alaman na hanggang Enero 15 pa sana ang pananatili nito sa pasilidad.

Pinaniniwalaang nagkaroon ito ng komplikasyon na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Samantala, agad namang dinala sa siyudad ng Iloilo ang bangkay ng pasyente para isailalim sa cremation alinsunod sa protocols.