CAUAYAN CITY- Pinagtutuunang pansin ng National Food Authority (NFA) Region 2 ang pagbili ng mga aning palay ng mga magsasaka.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, puntirya ng ng NFA na makabili ng 1.3 million bags ng palay sa mga magsasaka sa rehiyon.
Aniya, mayroon silang sinusunod na price code sa pagbili ng palay alinsunod sa NFA council na binubuo ng Landbank, DBP, NEDA at NFA at binibili nila ito sa halagang 19 pesos bawat kilo.
Bumibili din sila ng mga sariwang palay ngunit nakadepende sa moisture content nito na compatible sa ibinaba nilang presyo.
Sa pagbebenta naman ng mga magsasaka sa kanilang aning palay ay kailangan lamang ang lagda ng barangay kapitan at kailangan na mayroon silang pangalan sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang mabili ang kanilang produkto.
Nanawagan ngayon ng NFA Region 2 sa mga magsasaka na sila ay bukas para bumili ng kanilang mga aning palay.










