Kinumpirma ni Provincial Administrator Atty. Karen Lisette Molas na pumanaw na kaninang umaga, Mayo 31, si Negros Oriental Governor Carlo Guido Reyes matapos ang mahigit dalawang buwan simula nang manumpa at manungkulan ito sa pwesto kasunod ng pagkamatay ni dating governor Roel Degamo.
Sa inilabas na pahayag ni Molas, sinabi niyang isa pa umanong karangalan na maglingkod kay Reyes na kanyang inilarawan bilang mabait at mapagbigay na lider.
Pinasalamatan din nito ang lahat maging ang mga kasamahan nito sa trabaho sa kanilang mga dasal, pagsuporta at pagmamahal na ibinigay sa late governor.
Umaasa din itong magpapatuloy ang legasiya ng pumanaw na gobernador at magbibigay inspirasyon sa iba.
Samantala, kinumpirma din ni Molas na nakausap na nito si Vice Governor Manuel Sagarbarria at naiturn-over na rin umano nito ang mga programa at mga proyekto ng namayapang gobernador.
Matatandaan na nanumpa sa tungkulin si Reyes bilang gobernador ng lalawigan matapos pinaslang si dating Gov. Roel Degamo noong Marso 4 .
Bago pa man, nahalal ito bilang bise-gobernador noong May 9, 2022 elections kung saan tumakbo siyang ka-tandem ni Degamo.










