-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Koronadal PNP sa panibagong insidente ng pamamaril na nangyari sa Prk. Tony ko, Brgy. Zone III, Koronadal City.

Kinilala ang mga biktima na si Mario Arguez Liboon, 57 anyos, may asawa at isang negosyante; at kaniyang anim na buwang apo na si alyas Lina.

Batay sa imbestigasyon, biglang binaril ng gunman si ginoong Mario at tinamaan ito sa kaniyang kanang binti, at nadamay din ang sanggol na tinamaan naman sa kaniyang dalawang paa.

Kaagad tumakas ang mga suspek na pinaniniwalaang riding-in-tandem patungo sa hindi malamang direksyon matapos ginawa ang krimen.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng kalibre 45.

Sa ngayon nagpapagaling na sa isang pribadong ospital ang mga biktima habang inaalam ng mga otoridad kung ano ang motibo sa naturang pamamaril.