Nakataas ngayon ang red alert status sa NDRRMC Emergency Operations Center bilang paghahanda sa bagyong Odette.
Ayon kay Office of Civil Defense Administrator at NDRRMC executive director Undersecretary Ricardo Jalad, inaasahang magla-land fall ang bagyo sa Caraga o eastern Visayas region bukas ng hapon o gabi.
Bagama’t hindi aniya inaasahang maging super typhoon si Odette, may panganib pa rin sa malakas na pag-ulan na maaring maging sanhi ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Ayon naman kay Jomar Perez, chief ng Emergency Operations Center, ang mga lugar na nasa “high risk” category ay ang Mimaropa, Region 6,7,8,10, 12 at Caraga.
Nasa medium risk naman ang Region 1, 2, Calabarzon, 5, 9,11, at Bangsamoro Autonomous Region; habang nasa “low risk” naman ang NCR, Cordillera Autonomous Region at Region 3.
Sinabi ni Perez na naka-standby na ngayon ang 3,175 search and rescue units, 558 land assets, 281 sea assets at 8 aircraft para rumesponde sa anumang insidente kaugnay ng bagyo.
Habang P331 milyong halaga ng standby resources ang naka-preposition bilang pantulong sa mga apektadong mamamayan.
Payo naman ni Jalad sa publiko lalo na doon sa mga lugar na tutumbukin ng bagyong Odette na makinig sa abiso ng kani-kanilang mga LGU lalo na kung magsasagawa ng pre-emptive evacuation.