-- Advertisements --

Mahigpit na mino-monitor ngayon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang lahat ng mga lugar na apektado ng malakas na pag ulan dulot ng habagat.

Ayon kay NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad, may mga naitalang pagbaha, landslide at paglikas ng mga residente sa mga lugar na apektado ng Habagat gaya sa Mimaropa, Metro Manila, western side ng Luzon, at Western Visayas.

Binabantayan din ng NDRRMC ang bahagi ng Calabarzon, Cavite, Batangas, Zambales at Bataan.

Sa Zambales, partikular sa bayan ng Castillejos at San Antonio, nasa 64 pamilya ang inilikas dahil sa malawakang pagbaha.

Suspendido na rin ang klase sa nasabing mga lugar habang isang highway sa San Narciso at hindi passable sa mga light vehicles dahil sa baha na umabot ng one-foot ang taas ng tubig.

Wala namang naitalang casualties ang NDRRMC sa mga lugar na apektado ng southwest monsoon.

Una nang sinabi ni Jalad na may natanggap siyang unofficial report na pagguho ng lupa sa Region 6 partikular sa Negros Occidental.