Magtatalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kabuuang 9,533 pulis para sa White Ribbon Rally na gaganapin bukas, Hunyo 28, 2026, sa EDSA People Power Monument.
Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, wala namang natukoy na banta sa seguridad ngunit bahagi ito ng masusing paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinangunahan ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang direktiba sa NCRPO at iba pang regional offices na magsagawa ng security threat assessment sa paligid ng EDSA Shrine at mga kritikal na imprastruktura.
Dagdag pa niya, mananatiling apolitical ang PNP at nakatuon lamang sa pagpapanatili ng kaayusan, maximum tolerance, at tamang traffic management protocols.
Ang rally ay inorganisa ng Interreligious Leaders Council for National Transformation (IRCNT) kasama ang iba’t ibang faith-based organizations at civil society groups, na layong itulak ang electoral reforms, mas matibay na government accountability, at aksyon laban sa corruption at political dynasties.
Bukod sa NCRPO, nagtalaga rin ang Eastern Police District (EPD) ng mga Civil Disturbance Management contingents sa paligid ng EDSA Shrine, habang naka-standby ang mga distrito ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan bilang Reactionary Support Force para sa agarang augmentation kung kinakailangan. (report by Bombo Jai)
















