Inaresto ng National Bureau of Investigation at sinampahan ng kaso ang 6 na indibidwal dahil sa illegal mining at quarrying sa lalawigan ng Bataan.
Natukoy ng NBI ang inarestong indibidwal na sina Domingo M. Leal, Saldy A. Adelantar, Rio Y. Bueno, Mark Anthony C. Santos, Arjay C. Mamalateo, at Christopher D. Alba, mga manggagawa ng MaxPhil World Management Development, Inc.
Kinasuhan ang mga ito sa Bataan provincial prosecutor’s office ng illegal quarrying o mining na pinarurusahan sa ilalim ng Section 103 ng Republic Act No. 7942, o ang Philippine Mining Act of 1995.
Ayon sa NBI, nakatanggap ang Environmental Crimes Division (NBI-EnCD) ng impormasyon kaugnay sa laganap na illegal mining o quarrying activities na isinasagawa ng naturang mga indibidwal sa Barangay Maambog sa bayan ng Hermosa.
Ang mga ito ay kumukuha at nagdidispose ng minerals nang walang kaukulang permit mula sa Bataan Provincial Mining Regulatory Board at Department of Environment and Natural Resources’ Mines and Geosciences Bureau Region III (DENR-MGB-Region III).
Nadiskubre ang iligal na gawain sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba mula sa NBI at DENR laban sa MaxPhil company na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6 na indibidwal.
Nakumpiska din ang mga truck at backhoes na itinur-over sa barangay kapitan ng Maambog.
Agad namang inisyuhan ng cease and desist order ang DENR laban sa naturang kompaniya.