Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi nila pinapatagal o inaantala ang kanyang impeachment trial sa Senado.
Sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng legal team, na ang mga pagtutol ng depensa ay lehitimo at ginagawa lamang kung sa tingin ng depensa ay kinakailangan, taliwas sa mga haka-haka online kasunod ng mga naging pag-alma ni Atty. Carlo Joaquin Narvasa.
Paliwanag ni Poa, nais rin ng kanilang panig na matapos agad ang paglilitis upang hindi na tumagal ang pagdinig sa kanilang kliyente at naniniwalang maging ang panig ng prosekusyon na nais ring tapusin ang paglilitis sa lalong madaling panahon.
Samantala, ayon kay Trial Presiding Officer Francis Escudero, maaaring mapabilis ang proseso sa mga susunod na araw, na nauna nang tinayang aabutin ng hanggang walong buwan upang makumpleto ang 92 trial days.
















