Pinagsabihan ng Commission on Audit (COA) ang National Bureau of Investigation (NBI) matapos masilip ang umano’y pagkabigo ng ahensya na tapusin ang mga proyekto nitong may kinalaman sa improvement ng tanggapan noong nakaraang taon.
Lumabas sa 2018 audit report ng COA na umabot sa halos P245-milyon ang nagastos ng NBI sa pagbili ng mga bagong gamit at pagpapatayo ng investigative laboratories.
Pero sa kabila nito, nasa 12.5-percent lang umano ng walong biniling gamit ang nakompleto ng NBI sa pagtatapos ng naturang taon.
Bukod dito, pinuna rin ng state auditors ang limang aktibidad ng na-implement ng ahensya mula sa 13 plano nito noong 2018.
Kataka-taka raw kasi na nasa halos P90-milyon agad ang nagastos ng NBI sa mga naturang programa mula sa halos P120-milyong pondo para doon.
Kaugnay nito, inirekomenda ng COA na ayusin ng NBI ang narrative report ng tanggapan ukol sa mga proyektong naipatupad at kung magkano ang nagastos mual sa mga ito.










