-- Advertisements --

Binaha ang makasaysayang Betis Church sa Guagua, Pampanga matapos ang ilang araw na halos walang tigil na ulan dulot ng Habagat.

Ikinabahala ito ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, na nagbahagi ng mga larawan ng simbahan na nilubog ng baha.

Ayon kay Bishop David, umabot ang tubig sa loob ng simbahan at nabasa ang lumang kahoy na sahig nito.

Itinuturing na kasing mahahalagang heritage churches sa bansa ang Betis Church at kabilang sa iilang simbahan na nananatili ang orihinal nitong wooden flooring na ilang henerasyon nang ginagamit ng mga nagsisimba.

Itinatag ang simbahan noong 1607 at idineklarang National Cultural Treasure ng National Museum at National Commission for Culture and the Arts.

Ayon kay Bishop David, nakaligtas ang Betis Church sa pagsabog ng Bulkang Pinatubo, at umaasa siyang malalampasan din nito ang banta ng patuloy na pagbabago ng klima.